College of Engineering NSTP Graduation Speech

Jill Manapat
9 min readAug 21, 2021

Originally published on May 6, 2019. The author is migrating her works to Medium from other platforms.

Photo by Olya Kobruseva from Pexels

The speech below was delivered at the College of Engineering NSTP Graduation 2019. This is the first Filipino speech I gave about HEED. It was challenging writing it and it can still use some edits, but overall I am very happy I delivered it in my mother tongue. Yay! Congratulations to all graduates! :)

College of Engineering NSTP Graduation Speech
Jill Z. Manapat

Isang magandang araw po sa ating lahat!

Nais kong batiin ang mga magsisipagtapos mula sa NSTP program. Binabati ko din po ang ng mga NSTP handlers na gumabay sa lahat ng mga estudyante sa nakaraang dalawang semestre. Palakpakan po natin ang bawat isa sa inyo!

Noong kumuha ako ng NSTP mahigit isang dekada na ang nakalilipas wala kaming ganitong seremonya kaya ako’y natuwa nang ako’y anyayahan na mag salita sa okasyong ito. Ito rin po ata ang pinaka-maagang paanyaya na nakuha ko sa pag sasalita dahil kung tama ang aking pagkakaalala, noong Hunyo pa po ng nakaraang taon ako unang sinabihan ni Sir Pampam na mag salita sa NSTP graduation pagkatapos niya marinig ang presentation ko sa Engineering Faculty Conference tungkol sa grupong sinimulan ko noong 2017 na kilala bilang HEED — Humanitarian Engineering, Entrepreneurship, and Design. Kaya sa susunod na mga dalawampung minuto, ibabahagi ko sa inyo ang tatlong aral na aking natutunan sa pagtatatag at pagpapatakbo ng nasabing grupo. Ngunit bago tayo dumako sa mga aral na iyon, hayaan niyong ipaliwanag ko muna kung ano ba ang HEED.

Ang HEED ay isang university-wide na research and design group na naglalayong maghatid ng solusyong teknikal sa mga nangangailangang komunidad. Mga guro at estudyante mula sa tatlong kolehiyo ng unibersidad ang kasapi nito ngayon. Ang tatlong kolehiyo ay ang College of Engineering, College of Fine Arts, at College of Social Work and Community Development. Mayroon ding dalawang samahan ng mag-aaral (student org) na kasama namin na nag taguyod ng grupo: ang Engineers Without Borders (EWB) Diliman at UP Society of Industrial Designers (UPSIDE). Mayroon kaming dalawang pangunahing proyekto sa ngayon. Una ay ang pagtuturo ng elective course tungkol sa humanitarian engineering, social entrepreneurship, at design for developing communities. Dito nalalaman ng mga estudyante kung paano ang epektibong pag plano at pagpapatakbo ng isang development project sa pamamagitan ng five-step solution development process na Plan, Learn, Design, Realize, at Sustain. May pagkakataon din ang mga estudyante na mag trabaho sa isang aktwal na proyekto upang magamit ang mga teoryang natutunan sa klase. Ang pangalawang proyekto ng HEED ay halos katulad ng ibang proyekto ng CWTS na tungkol sa plastics recycling. Ang tawag namin sa proyekto ay Project Plastikan. Naglalayon ito na mag tayo ng isang plastics recycling facility sa isang komunidad sa Malabon base sa modelo ni Dave Hakkens ng Precious Plastics.

Ngayong mayroon na tayong ideya tungkol sa HEED, ating isa-isahin ang tatlong aral na aking nabanggit kanina. Ang unang aral ay siguraduhin na malinaw ang inyong intensyon sa paglilingkod sa bayan. Ang paglilingkod ay hindi lamang isang “feel good” na bagay. Hindi ito ginagawa para mag mukhang mabait o may malasakit tayo sa kapwa. Simple lamang ang aking intensyon ng maisip kong buuin ang HEED — may nakita akong mga problema kaya ninais ko itong solusyonan. Hayaan niyong i-kwento ko ang mga problemang ito.

Natanggap ako sa programang MS Materials Science and Engineering dito sa UP noong 2011. Ang nasa isip ko noon ay gagawin kong community-related ang aking MS thesis. Pupunta ako sa isang komunidad, maghahanap ng problema na kayang lunasan ng materials engineering, at yun ang gagawin kong paksa ng thesis ko. Ngunit noong mga panahong iyon, wala akong mahanap na guro na gagabay sa akin sa napili kong direksyon. Wala pa daw kasing gumagawa noon nung mga panahong iyon. Natigilan ako. “Bakit nila sinasabi na hindi ko pwede gawin ang isang bagay dahil lamang wala pang nakakagawa nito?” Hindi ko iyon matanggap. Kaya ang sabi ko sa sarili ko, kung walang makakapagturo sa akin sa UP kung paano maging isang humanitarian engineer, hahanap ako ng mga tao sa labas ng UP na mag tuturo sa akin, pagkatapos ay ibabahagi ko sa iba ang aking mga matututunan.

Ang isa pang problema ay nakita ko noong Disyembre 2013. Pangalawang buwan ko pa lamang sa pagtuturo. Nag punta ako sa Isla Culion sa Palawan noong Christmas break para dumalo sa isang advent retreat. Kakalabas pa lamang noon ng bagyong Yolanda kaya ang advent retreat ay biglang naging isang voluntourism trip. Nag punta kami sa iba’t-ibang isla sa paligid ng Culion upang mag dala ng mga relief goods at solar lamps. Unang beses kong magpunta sa isang indigenous people’s community (IP community). Pag tapak ko sa isa sa mga isla, nakita kong walang damit ang mga batang sumalubong sa amin. Nalaman ko din na pangingisda ang ikinabubuhay ng mga tao doon. Manghuhuli sila ng isda sa may isla at mamamangka ng isa hanggang dalawang oras papunta sa Coron kung saan nila ibebenta ang kanilang mga nahuli. Doon na din sila bibili ng pagkain na dadalhin pabalik sa kanilang isla. Wala din akong napansing palikuran sa ilang IP communities na aming binisita. Walang kuryente at hindi ko din nakita kung saan sila kumukuha ng ma-iinom na tubig. Nang ma-obserbahan ko ang lahat ng ito, bigla akong nakaramdam ng magkahalong hiya at pagkabahala. Hiya, dahil naturingan akong isang UP engineering graduate, with honors, ngunit hindi ko maisip kung paano gagamitin ang mga natutunan ko sa unibersidad para mapabuti ang buhay ng IP communities. Nakadama naman ako ng pagkabahala dahil bigla kong naisip na limang taon akong naupo, nakinig, nag isip, at nag exam sa loob ng silid aralan, ngunit tila hindi ako hinanda ng limang taong iyon para sa nakita ko sa isla. Bakit? Bakit hindi ito tinuro sa amin? Yun ang tanong sa isip ko noon.

Ang mga pangyayaring ito ang nag tulak sa akin upang simulan ang HEED noong Hulyo 2017 kasama sina Asst. Prof. Tito de la Peña ng College of Fine Arts, Prof. Nestor Tiglao ng EEEI, at ngayon ay kasama na din namin si Teacher Nathalie Verceles ng Center for Women’s and Gender Studies (CWGS). At tulad ng nabanggit ko kanina, may dalawang student orgs din kami na kasama, na magdadala sa atin sa pangalawang aral: ang pagiging estudyante ay hindi isang limitasyon; isa itong pagkakataon.

Kadalasan iniisip ng marami na dahil estudyante pa lamang kayo ay hindi pa malaki ang epektong magagawa niyo sa lipunan. Ngunit iba ang aking nakikita sa kasalukuyang henerasyon. Tila napakalakas ng pagganyak (o motivation) ng kabataan na solusyonan ang mga problema ng mundo. Sa kaso ng HEED, na-obserbahan ko ito sa EWB at UPSIDE. Ang Engineers Without Borders Diliman at UP Society of Industrial Designers ang kaakibat ng HEED sa pag aayos ng aming taunang okasyon na kung tawagin ay HEED Week. May iba’t-ibang kaganapan sa HEED Week katulad ng symposium, workshops o design sprints, at roadshows at hindi ito lahat mangyayari kung wala ang mga nasabing student orgs. Sila ang nag aayos ng logistics ng event. Wala naman silang nakukuhang grado. Hindi din naman sila sinusweldohan ng HEED, ngunit hindi ito dahilan upang pigilan sila na gumugol ng maraming oras upang bigyang-buhay ang HEED Week. Mayroon diyang mga estudyante na mag me-message sa akin ng madaling araw upang magpa-apruba ng publicity material. Minsan ay ka-online call ko ang mga pinuno ng bawat org hanggang pasado alas-diyes ng gabi. Hindi biro ang pagsisikap na ipinapakita nila kada taon. Makikita sa kilos nila na tila gustong-gusto nila ang kanilang ginagawa (pwede din namang feeling ko lang iyon, pero sana naman ay natutuwa sila :P). Naniniwala akong wala ang HEED ngayon kung wala ang mga estudyanteng ito.

Sigurado akong marami pang ibang student orgs sa UP na nag uumapaw din sa dedikasyon na mag lingkod. Hindi limitasyon sa mga samahang ito ang katotohanan na estudyante pa lamang sila. Bagkus, ginagamit nila ito bilang isang pagkakataon na matuto sa isang ligtas na lugar. Napansin ko din na gamit na gamit ng mga estudyante ang prestihiyo (o prestige) na dala ng pangalang “UP.” Makikita ito sa mga sponsors na nakukuha nila sa mga org events at projects. Malaki ang kakayahan ng mga estudyante ngayon at kailangan itong i-maximize dahil sayang kung hindi nila magagamit. Ang isang nakita kong paraan para i-maximize ang kanilang kakayahan ay ang pangatlo at huling aral: ang mga guro ay makakapag bigay ng pagkakataon na magkakaroon ng mas malaking positibong epekto sa lipunan ang mga estudyante.

Hangga’t maari, huwag natin silang ikulong sa loob ng silid-aralan. Iba na ang panahon ngayon. Nandyan na ang outcomes-based education, project-based learning, service-learning, at kung ano-ano pang makabagong paraan ng pagtuturo. Hindi din ako eksperto sa larangang ito lalo pa’t hindi naman ako pormal na nag aral sa College of Education. Pero lagi kong inaalala ang sinabi ng isang guro na nakapanayam ko dati: “We teachers must keep re-inventing ourselves to ensure that we stay relevant to the needs of our students.” Mula sa iba’t-ibang programa ang aming mga estudyante sa HEED, tulad ng business administration, architecture, engineering, at industrial design at gusto kong maniwala na ang grupo ng mga guro sa HEED ay nagbibigay kahit papaano ng pagkakataon sa mga estudyante na mas bigyang konteksto ang kanilang kanya-kanyang disiplina.

Balikan natin ang tatlong aral na tinalakay natin kanina (recap!): (1) siguraduhin na malinaw ang inyong intensyon sa paglilingkod sa bayan, (2) ang pagiging estudyante ay hindi isang limitasyon; isa itong pagkakataon, at (3) ang mga guro ay makakapag bigay ng pagkakataon na magkakaroon ng mas malaking positibong epekto sa lipunan ang mga estudyante.

Bago ko tapusin ang aking talumpati, may ibabahagi akong huling istorya sa inyo (last na! Promise!). Ang huling istorya ay tungkol sa aking batchmate sa kolehiyo. Ang pangalan niya ay Hazel. Nagtapos siya ng chemical engineering dito sa Diliman, nag tuloy sa med school, at ngayon ay nagtatrabaho sa programang Doctors to the Barrios (DTTB) ng Department of Health (DOH). Hindi kami magkakilala ni Hazel noong estudyante pa lang kami. Mayroon kaming common friends, ngunit hindi kami nag uusap. Kaya nagulat ako nang bigla akong makatanggap ng email mula sa kanya. Lumabas daw sa Facebook feed niya ang HEED at agad siyang naging interesado dito. Kaya nakipag set siya ng meeting sa akin at nag usap kami nito lamang nakaraang buwan.

Na-destino si Hazel sa Monreal, Masbate. Mayroong 29,000 katao sa lugar, 11 barangay, at siya lamang ang doktor dito. Isa sa mga kwentong tumatak sa akin ay nang marinig ko ang problema nila sa Water, Sanitation, and Hygiene o WASH. Mayroon daw itong mga baitang, G0 para sa open defecation, G1 para sa zero open defecation, at iba pa hanggang G4. Noong simula ay nasa G0 ang lugar nila. Open defecation. Kinalaunan ay nag bigay ang UNICEF ng mga kagamitan at nagkaroon ng training ang mga lokal kung paano ang tamang pag gamit ng palikuran o toilets. Naging matagumpay ang proyekto dahil na-deklarang G1 ang lugar. Zero open defecation. Sa kasamaang palad, may tumamang bagyo sa lugar na nag dulot sa pagkasira ng mga toilets. Ang iba ay nabasag, ang iba ay nadamay sa pag guho ng lupa. Siguro kung may civil engineer doon ay nalaman nila kung saan ang pinaka ligtas na lugar kung saan pwede mag tayo ng imprastraktura. Siguro kung may industrial designer sa lugar kaya nilang mag disenyo ng low-cost toilet na hindi lamang gumagana kung hindi kaaya-aya din tignan at gamitin. Siguro kung mayroong taga-business administration doon, mapapag-isipan kung anong scalable at replicable business models ang pinaka angkop para sa lugar. Maraming posibilidad.

Isa lamang ang WASH sa maraming problemang kinakaharap ng mga komunidad na hawak ni Hazel. Maliban dito, sinabi din niya na may 111 DTTBs sa buong Pilipinas na naka destino sa mga 3rd-4th class municipalities na tinatawag ding GIDA — Geographically Isolated and Disadvantaged Areas.

Hindi nagtatapos ang inyong pagkilingkod sa bayan sa pagtatapos ng NSTP program. Bilang mga estudyante at guro ng UP, may responsibilidad ang bawat isa sa atin na ipagpatuloy, habang-buhay (kung kaya! :P), ang masikhay at tapat na paglilingkod sa bayan.

Nag bukas na ang pintuan sa mahigit isang daang komunidad na nabanggit ni Hazel. Ano ang inyong gagawin? Diringgin niyo ba ang kanilang tawag?

Maraming salamat po at pagpupugay muli sa lahat ng mga magsisipagtapos!

--

--